1.1.2009

O Aking Lobo

LoboSi Lobong Liit ay nakamasid sa bintana. Nakita niya ang dalawang Pamaskong Baboy na nagsisipagsayaw sa malalim na niyebe sa labas lamang ng bahay ni Oso. Ang mga Baboy ay parang mga panaginip habang umaawit ng dalawang kanta na magkasabay: "Ang Natutulog na Oso" at "Sino ang Natatakot sa Malaking Masamang Lobo?" Ang dalawang awitin ay kapwa bumibigkas ng magkatulad na saknong: Napakadaling maging matapang kung wala namang dapat katakutan. Napakadaling magyabang kung nalalaman mong si Oso ay natutulog samantalang si Lobo ay napakabata at napakaliit pa lamang.

Alam ni Lobong Liit na balang araw, siya'y magiging isang Malaking Lobo. Katunayan, higit na siyang malaki kaysa noong nakaraang tag-init! Makalipas pa lamang ng isang taon, siya'y magiging isang ganap na lobo. Nadarama ni Lobong Liit na humihinog na sa kanyang panloob ang isang tunay na lobo.

Muling nagmasid si Lobong Liit sa bintana. Pagkaraka, ang mga Baboy ay ganap ng naiprito at sila'y may kaakit-akit na mga kulay-kayumanggi at dilaw. Ang nananaig na samyo ay umaali-aligid sa himpapawid. Ang isang Baboy ay may pulang Pamaskong mansanas sa kanyang bibig samantalang ang isa namang Baboy ay may berdeng mansanas. Naiwan ng mas maliit na Baboy ang kanyang "accordion" sa may baitang ng kamalig. Ang "accordion" ay marahang pumipikpik kasabay ng mababang sipol na dahan-dahang humihina. Isang kumukuti-kutitap na pulang tela ay makikitang naglalaho sa bumubuhos na niyebe sa likuran.

Luminga-linga si Lobong Liit. Tumigin siya sa kapaligiran at napagtanto niya na ang palibut-libot ay nababalot pa rin ng gabi. Inihiga ni Lobong Liit ang kayang ulo sa pagitan ng kanyang mga paa at muling ipinikit ang kanyang mga mata.

Ei kommentteja: