Si Lobong Liit ay nakamasid sa bintana. Nakita niya ang dalawang Pamaskong Baboy na nagsisipagsayaw sa malalim na niyebe sa labas lamang ng bahay ni Oso. Ang mga Baboy ay parang mga panaginip habang umaawit ng dalawang kanta na magkasabay: "Ang Natutulog na Oso" at "Sino ang Natatakot sa Malaking Masamang Lobo?" Ang dalawang awitin ay kapwa bumibigkas ng magkatulad na saknong: Napakadaling maging matapang kung wala namang dapat katakutan. Napakadaling magyabang kung nalalaman mong si Oso ay natutulog samantalang si Lobo ay napakabata at napakaliit pa lamang.
Alam ni Lobong Liit na balang araw, siya'y magiging isang Malaking Lobo. Katunayan, higit na siyang malaki kaysa noong nakaraang tag-init! Makalipas pa lamang ng isang taon, siya'y magiging isang ganap na lobo. Nadarama ni Lobong Liit na humihinog na sa kanyang panloob ang isang tunay na lobo.
Muling nagmasid si Lobong Liit sa bintana. Pagkaraka, ang mga Baboy ay ganap ng naiprito at sila'y may kaakit-akit na mga kulay-kayumanggi at dilaw. Ang nananaig na samyo ay umaali-aligid sa himpapawid. Ang isang Baboy ay may pulang Pamaskong mansanas sa kanyang bibig samantalang ang isa namang Baboy ay may berdeng mansanas. Naiwan ng mas maliit na Baboy ang kanyang "accordion" sa may baitang ng kamalig. Ang "accordion" ay marahang pumipikpik kasabay ng mababang sipol na dahan-dahang humihina. Isang kumukuti-kutitap na pulang tela ay makikitang naglalaho sa bumubuhos na niyebe sa likuran.
Luminga-linga si Lobong Liit. Tumigin siya sa kapaligiran at napagtanto niya na ang palibut-libot ay nababalot pa rin ng gabi. Inihiga ni Lobong Liit ang kayang ulo sa pagitan ng kanyang mga paa at muling ipinikit ang kanyang mga mata.
1.1.2009
O Aking Lobo
1.12.2008
Ulap
Mamula-mula't madilaw-dilaw na kahali-halinang binibini ay naglalakad sa ulap. Paminsan-minsan, waring kamangha-mangha, may mga dumaraan sa kalagitnaan ng ulap upang dagliang lumaho. Habang ang ulap ay panandaliang nawawala, matatanaw ang isang tahimik na ilog na dumadaloy sa may kalayuan. Nadarama ng kahali-halinang binibini na ang kanyang sarili ay lumalaya mula sa kanyang mismong sarili at mula sa panahon. Ang kanyang mga karamdaman ay magulung-magulo.
Isang binatang naka-motor ay nakasandal sa kanyang motorsiklo sa kalagitnaan ng ulap. Isang nagbabagang kulay kahel ang masiglang umaagos habang ang pansariling puwang ng kahali-halinang binibini at ng binata ay naging isa.Isang ngiti ang nagnining-ning sa mukha ng binata habang puno ng ligayang bumigkas: "Ikaw."
"Tayo." Sagot ng kahali-halinang binibini na hinuhubad ang kanyang buong pagka-alamid upang bigyang diin ang nag-iisang salitang iyon. "Gusto mo ba ang aking oras?"
Mamula-mula't madilaw-dilaw na kahali-halinang binibini ay marahang umaakayat ng hagdan habang nakasunod ang binata. mga mata ng binata ay magiliw na tumititig sa kutis ng binibini.
1.10.2008
Ang Ika-Pitong Katotohanan
Ang nakahahalinang dalaga ay kabigha-bighaning pinakawalan ang kanyang belo. Tinangay ng hangin ang manipis na belo at inilipad sa isang puno sa bilugang pagitan sa gubat. Ang binata ay naghihintay sa nagsasayaw na dalaga habang siya ay nakaupo sa isang kumot na malapit sa dalaga.
Meron pa siyang anim na belo at anim pang katotohang dapat palayain. Ang paglaya ng unang belo ay ibinunyag ang ayos ng kanyang buhok na mala-pakpak ng ibong sumisinag ng kulay kahel. Habang nagpapatuloy sa pagsasayaw ang dalaga, dahan-dahan din niyang inihahayag ang kanyang bawa't lihim: ang kanyang puting ngiti, isang tatu ng alamid sa kanyang balikat, isang butas sa kanyang puson, ang kanyang maalindog na pang-itaas na sing-itim ng uling.
Ang binata ay nakadarama ng kaalaban ng damdamin. Ang dalaga ay siyang pinaka-marikit na nakita niya, ang pinaka-marikit, sa paniniwala niya, na makikita niya sa mahabang panahon. Hinintay ng binata ang pagpapalaya ng dalaga sa huli, ang ika-pitong belo.
Ang kanyang mukha ay nagpapahiwatig ng matibay na pagpapasya habang linuluwagan niya ang kanyang mahigpit na paghawak sa huling belo. Iniutan ng dalaga ang kanyang kamay at tinitigan ito ng binata nang may-pagnanasa. Sa daliri ng dalaga ay may isang singsing na namumulupot sa siyam na silong pilak.
Huminto siya sa pagsasayaw at walang-kakibo-kibong tumayo sa harapan ng binata at sinabing:
- Ipinangako ko na ang aking sarili. Umiibig ako sa isang babae.
- Ngunit...
- Ito ang katotohanan. Matagal na akong umiibig. Hindi mo gustong malaman.
- Ngunit...
Sa ilang hakbang mararahan, iniwan ng dalaga ang bilugang pagitan sa gubat. Pitong maninipis na belo ang umaalon-alon sa likuran niya tulad ng mga sumisinag na usok sa buntot ng buntala. Ang binata ay nagulumihanan habang ang kanyang hangarin ay naglalaho sa kagubatan.
1.9.2008
Ang Paligsahan
Pinakawalan ng lalaki ang mahigpit na pagkakahawak sa pawn matapos niyang galawin ang kanyang buhay sa damahan. Ang pawn ay madaling nalunod sa balaho ng parisukat. Ang pawn ay matinding humiyaw habang pinapakawalan niya ang sarili mula sa balaho. Iniunat ng lalaki ang kanyang kamay upang minsan pang ilipat ang pawn nguni't natanto niya na ang orasan ng ahedres ay bumibilang ng oras para lamang sa kanyang kalaban. Nakaka-wasak pusong humikbi ang pawn.
Gumawa ng sariling galaw si Babaeng Kamatayan. "Check sa tatlong galaw. Dapat mong tandaan na ang bawa't piliin mo ay di maaaring baligtarin o baguhin."
Tumitiktak ang orasan ng ahedres para sa lalaki. Ito na ang kanyang natatanging panahon. Minamasid niya ang paglalaro ng kanyang kalaban at kung papaanong matatapos ito sa nakasasawing wakas. Alam niyang tunay na wala siyang karanasan bilang manlalaro kung ihahambing sa kanyang kalaban, at marahil, sa malao't madali'y matatalo siya. Gayunpaman, inilayo niya ng husto ang halos nalulunod na pawn mula sa balaho.
Gumalaw si Babaeng Kamatayan. "Check sa dalawang galaw, checkmate sa tatlo. May oras ka pa."
Naririnig ng lalaki ang marahang tik-tak ng orasan. Malapit ng matapos ang paligsahan sa pagwawagi ang kanyang kalaban. Tahimik na nag-iiyakan ang mga pamato ng ahedres. Itinaas ng lalaki ang kanyang mga mata at sinalubong ang walang damdaming titig ng kanyang kalaban. "Pinaglalaruan mo ba ang aking mga pagkakamali o ginagamit mo ang iyong sariling karunungan?"
Nanatiling tahimik si Babaeng Kamatayan.
Pinalitan ng lalaki ang mga alituntunin ng paligsahan at dahil dito, nabago ang situwasyon. "Stalemate."
Tumango si Babaeng Kamatayan. Iniwan niya ang paligsahan at lumayo. Nguni't, huminto siya't nagsabing: "Isang mahusay na galaw. Nauunawaan ko na ngayon."
1.8.2008
Nais ko
Nais kong matikman ang bango ng iyong kutis,
makita ang dampi ng iyong kamay.
Nais kong marinig ang kislap ng iyong pamumulaklak,
madama ang iyong masidhing pagnanasa.
Nais kong ako'y magiliw mong diwa,
manatili ang mga araw kong kalukob mo.
8.7.2008
Ang Mga Batas ng Trapiko
Ang bata ay nakatayo kasama ang kanyang ina sa tabi ng daan habang naghihintay ng isang sasakyan. Paminsan-minsan, may mga sasakyang dumaraan ngunit ni isa ay hindi tumutugon sa kanilang pangangailangan. Makikitang lubhang natatakot ang bata.
"Nanay", napakasakit kaya?"
"Hindi, huwag kang mag-alala. Ni hindi mo mararamdaman ang buong pangyayari. At pag natapos na, magiging magaan na ang buhay."
Ang patnugot ay nakaupo sa likod ng sasakyang minamaneho ng isang tsuper. Ninunuynuy niya ang isang mahusay na pamamaraan para sa darating na pulong pangkalakal. Pagkaraka, ang tsuper ay nagmamadaling inugitan ang manibela at mariing tinapakan ang preno. Namutla ang tsuper sa narinig na kalabog at itinigil niya ang sasakyan.
"Atras", pag-uutos ng patnugot sa nasisindak na tsuper.
Ini-atras ng tsuper ang sasakyan sa lugar na pinangyarihan ng sakuna, samantalang sa mga bintana ng kotseng madilim ang kulayan ay pinagmamasdan ng patnugot ang nagaganap.
"Buhay pa rin", buntong-hininga ng patnugot. "Gulungan mo uli! Napakalupit kung hahayaan nating higit pang mag-dusa yan. Laging ganito ang kuwento sa lugar na ito. Itinutulak nila ang kanilang mga pasaway na anak sa harapan ng sasakyan upang makakuha sila ng bayad o panghabang-buhay na sustento. Sa ganang atin, mas mura ang pagbabayad sa pagpapalibing."
"Mga dukha sila", sang-ayon ng tsuper habang pinapatulin niya ang pagtakbo ng sasakyan. Sa ngayon, humupa na ang kanyang pagka-balisa hingil sa pagbabayad ng mga gastusing pagpapagamot ng bata."Gayon na lamang ang kanilang kahirapan na kahit ang mga bahagi ng kanilang mga katawan ay binebenta nila, makakuha lamang ng perang pambili ng makakain."
Nadurog ang dibdib ng biktima sa ilalim ng gulong ng mabigat na sasakyan. Ikinandado ng tsuper ang mga pinto at inilipat ang sasakyan sa tabi ng kalsada. May tinawagan ang patnugot sa kanyang cellphone upang ipagpaliban ng dalawampung minuto ang pulong pangkalakal. May tumutugtog na awiting banayad sa radyo habang kumukuha ang patnugot ng kaunting salapi sa kanyang pitaka upang ipang-suhol sa paparating na pulis.
26.5.2008
Ang Mga Marurungis
Ang pantropikong araw ay pinapasidhi ang nag-aapoy na kainitan sa mga kalsada. Dumidikit sa katawan ang mga damit at malagkit sa pakiramdam dahil sa kahalumigmigan ng panahon. Walang anumang mga anino. Ang sinag ng araw ay bumababa mula sa kalagitnaan ng langit.
Ang lalaki ay nagmamadali patungo sa kanyang otel. Nagtutungayaw siya sa kanyang katangahan na hindi dapat siya namasyal sa ilalim ng kainitan ng araw. Nagpasya siyang kunin ang malapit na daan tungo sa mga lugar na di pa niya dating napupuntahan.
Lubhang napakalaki, marangaya at naka- air conditioned ang puwesto ng pamilihan. Naglilibang siya habang naglalakad sa kalamigan ng mall. Sa isang bangko, may nakaupong dalagita na may kasamang isang asong Samoyed na may makapal na balahibong kulay puti. Nakalawit ang dila ng aso at makikitang lubhang naiinitan ito.
- Masyado atang makapal ang balahibo ng iyong aso para sa ganitong klaseng klima, wika ng lalaki habang tinuturo ang Samoyed.
- Hindi ko aso ito, sagot ng dalagita. - Ako ay isang yaya lamang ng aso. Sa bahay, meron siyang sariling silid na may air condition. Kadalasan, panandalian lamang siyang lumalabas sa gabi kung kailan may kalamigan ang panahon, upang maka-langhap siya ng sariwang hangin.
- Isang mayamang napakarungis na aso, sambit ng lalaki habang umiiling ang kanyang ulo. - Nakasisiguro ako na atay lamang ng gansa ang kinakain nito.
- Hindi ang aso kundi ang kanyang amo ang marangya. At eto pa, ang mga aso ay hindi madalas kumain ng atay ng gansa. Kalimitan, sila ay pinapakain ng mga pagkaing pang-aso na inaangkat pa mula sa Amerika at Europa.
Umiling-iling ang lalaki at nagtungo na sa otel habang nag-iisip ng malalim. Kapag-daka'y naulinigan niyang ibang-iba na ang kapaligiran. Ang mararangyang condominium, mga malalaking bahay, mga puwesto ng pamilihan at mga mamahaling kainan ay napalitan na ng mga barungbarong at kubu-kubuhan.
Natigilan ang lalaki sa mga tinig ng mga batang naglalaro. Pinanood niya ang mga masasayang paslit na di man lang alintana ang kanilang kahirapan at karungisan. Naglalaro ang mga bata sa putikan at nagkukunwaring ito ay paliguan. Para bagang gusto nilang makisali sa mga pangyayari sa kabila ng mga nagtataasang pader sa iba pang lugar ng bayan.
- Magaganda, di ba?
Nagulantang ang lalaki. May isang taong mukhang bugaw ang biglang lumitaw sa tabi niya. Hindi siya sumagot ng ni isang salita, bagkos ay pagalit na lumisan at itinuloy ang kanyang paglalakad tungo sa otel. Hinabol siya ng bugaw, hinawakan ang kanyang braso at mapilit na sinabing:
- Gusto mo bang bilhin ang isa sa mga batang babaeng ito? O baka naman mas gusto mo ang mga batang lalaki? Hoy mama, huwag kang lumayo, ang mga paslit na ito ay di pa nakakatikim...
14.5.2008
Tayo na sa Sauna
Isang oso at isang alamid ang nakaupo sa may tabing-lawa sa tapat ng isang sauna. Ang kainitan ng sauna ay sumasamyo sa hangin. Ang magkakaibigan ay linilimliman ang sauna upang lumikha ng kaiga-igayang nakakapawis na init.
Kinapa ng oso ang ilalim ng kanyang balahibo, lingat na kinamot ang kanyang tiyan at humikab, "Malapit na ang oras para matulog." Tumango ang alamid.
May isang maliit at batang lobo na gagala-gala sa kalaliman ng kagubatan. Nalanghap niya ang singaw na nagmumula sa sauna at tinuklas niya ang daan patungo rito. Ang maliit na lobo ay nanatiling pansamantala sa may gilid ng gubat at minasid ang ginagawa ng magkakaibigan. Dahil sa kasabikan, nilapitan nito sila at nagsabing, "Lobo ay gustong mag sauna rin."
"Maari," sang-ayon ng oso na walang pag-aatubili. Kaakit-akit na ngumisi ang alamid at pabirong nangako, "Maaari ka ring lumangoy."
Ilang sandali lamang, mga mauusok na tinig na ganap ng nalimliman at mga masasayang daldalan ang maririnig mula sa sauna." Panay ang paghihikab ng oso at malapit na siyang makatulog sa ibabaw ng bangko ng sauna. Ang lobo at ang maliit na alamid ay nagpapalitang ginigising siya. Sa labas ng sauna, tatlong iba't-ibang balahibo ang makikitang pinapahanginan.
Pagkatapos manatili ng mahaba at maginhawang mga sandali sa sauna, lumikas ang magkakaibigan patungo sa asyenda ng oso. Nagbigay ang alamid ng mga berdeng piraso ng pagkain mula sa kanyang pananghaliang sisidlan sa oso, na halos agad-agad ay nakatulog sa supa. Ang alamid at ang maliit na lobo ay naupo at pinakinggan ang dumadagundong na hilik ng oso. Nakahanap ka ba ng mga kuwento, lobo?", tanong ng alamid na naka-kiling ang ulo. "Maaari mo bang ibahagi sila?"
Ang maliit at batang lobo ay damang-dama ang kanyang pagiging sapat sa gulang habang siya'y nagsasalaysay sa alamid. Ang hilik ng oso ay maihahambing sa isang lumang awiting pampanaginip sa likuran. Nagagalak ang alamid sa natatanging sandaling ito.
5.5.2008
Ang Mukha ng Pagka-Alamid
"Kapatid", tanong ng alamid sa isang alamid. "Sabihin mo nga sa akin kung bakit iyang alamid ay nakatira sa ilalim ng tubig?"
"Sabihin mo nga sa akin kung bakit ikaw ay laging nakasabay sa aking pag-inom. Sabihin mo nga sa akin kung bakit ang ating mga ilong ay nakadikit kapag tayo ay umiinon. Sabihin mo nga sa akin kung bakit ang ating mga mata ay kapwa kumikinang katulad ng pagka-alamid na nadarama ko sa loob nitong alamid. "
"Kapatid", sagot ng isang alamid sa alamid. Sabihin mo nga sa akin kung bakit iyang alamid ay nasa hangin."
"Sabihin mo nga sa akin kung paanong nalalaman mo kung kailan dapat maghintay diyan tuwing gusto kong makalanghap ng sariwang hangin. Sabihin mo nga sa akin kung paanong alam mo kung kailan kuskusin ang iyong ilong sa aking ilong." Sabihin mo nga sa akin kung paanong ang iyong umuugoy na buntot ay nadaramang kumukuskos din sa buntot nitong alamid."
Ang magkapatid na alamid ay magkalapit na naglalakad na magkatulad ang hakbang sa gilid ng dagat. Isang bakas ng ngiti na magkatulad ang huwaran ang umalon sa panulukan ng kanilang mga bibig. Ang pagka-alamid ay nadaragdagan sa kanilang bawat hakbang.
